“Maraming buhay na binago. Maraming landas ang naituwid. Maraming pagpupunyaging naisakatuparan na nagsimula sa sulo ni Inang Pamantasan.”

Sa bawat taon ng Pagdiriwang ng Sulo, binibigyang-diin ang mga tradisyunal at kagalang-galang na persona na sumasalamin sa kasaysayan at kultura ng Pamantasang Normal ng Pilipinas. Ngunit ngayong taon, isang makabuluhang pagbabago ang naganap. Sa gitna ng mga nakasanayang persona, lumitaw ang mga bagong karakter na nagdala ng sariwang pananaw at mas malalim na kahulugan sa selebrasyon. Ang Bahaghari at Inang Kalikasan—mga simbolo ng pagiging inklusibo at pagpapahalaga sa kalikasan ng ating pinakamamahal na Inang Pamantansan.

Ang Cadiz City Arena ay napuno ng kasiyahan sa kanilang Pagdiriwang ng Sulo 2024 noong ika-24 ng Hulyo, suot ang kani-kanilang Filipiniana at Barong Tagalog, sabayan pa ng mga matatamis na ngiti ng tagumpay mula sa dekana at dekano ng pamantasan, lider-mag-aaral, at mga mag-aaral mula sa ikatlo at ikaapat na taon. Ang makabuluhang seremonyang ito ay sumasalamin sa pagkakaisa ng mga mag-aaral habang isinasalin ng mga magsisipagtapos, o pangkat Alimbukad, ang kanilang mga responsibilidad sa mga nasa ikatlong taon.

Sa pagsimula ng seremonya ay taimtim na pumasok ang mga natatanging personang kinikilala mula noon. Bitbit nila ang Kadena de Amore, ginampanan ni Bb. Andrea May C. Monares ang Inang Pilipinas na nagsasagisag sa pagsubaybay at marubdob na pagmamahal ng isang Ina sa kanyang anak, kapiling ang magiting na kumakatawan sa katapangan at pagmamahal sa bayan ng mga Pilipino, si Juan Dela Cruz sa katauhan ni G. Gerald Q. Estoconing. Sinundan ito ng makisig at makapangyarihang taglay ng Lakan na si G. Raidar M. Lasala bilang matapat na pinunong gumagabay sa nasasakupan at pag-ibig sa bayan kaakibat ang sagisag ng huwarang imahe ng buhay at kaluluwa, ang Lakambini na si Bb. Melissa V. Marabe. Naging sentro ng atensyon ang bagong karakter na sumisimbolo sa kapaligiran at katangi-tanging pagmamahal sa biyayang handog ng kalikasan at tagapagmasid sa pagtupad ng mga gawaing pangkapaligiran, ang Inang Kalikasan na ginampanan ni Bb. Michaela M. Agravante. Bukod tangi rin ang pagpasok ng matapang na sagisag ng pagkilala at pagpupugay sa mga ‘di matatawarang kahusayan ng mga nasa laylayan ng lipunan, ang Bahaghari na ginampanan ni G. Jacob D. Facultad.

“Bilang kauna-unahang kumatawan ng Bahaghari sa Pamantasang Normal ng Pilipinas Visayas, ito’y di malilimutang karanasan at nawa’y ang pagsalubong ng pamantasang ito sa isang simbolo ng nasa laylayan o minorities ay maging hakbang upang maunawaan at tuluyang kilalanin ng lahat ang karapatan ng bawat isa.”, ani ni G. Facultad, ang unang Bahaghari sa Pagdiriwang ng Sulo 2024.

Upang bigyang buhay ang Inang Pamantasan bilang simbolo ng pagiging sentro ng kahusayan at kinikilalang pangunahing institusyon sa edukasyong pangguro, ginampanan ito ni Bb. Jenebabe H. Abrasaldo.

Kasunod nito ay ang sabay-sabay na pagdating ng mga magsisipagtapos na pinangunahan ni G. Darel F. Peca at kanilang mga nakababatang kapatid na nasa ikatlong taon na pinangunahan ni Bb. Mia A. Cañete. Nagbigay naman ng mensahe ang kinatawan ng ikaapat na taon na si G. Kurt Jordan Z. Cababa patungkol sa pagtatapos ng kanilang apat na taong pamamalagi sa institusyon na tinugunan ni Bb. Judy Mae Amado bilang kinatawan ng ikatlong baitang. Ito ay sinundan ng pag-alay ng mensahe ng mga karakter na binibigyang-diin ang kani-kanilang mga papel bilang mga apoy na patuloy na lumalagablab upang mapalawak pa ang apoy ng karunungan kabilang ang mga unang kumatawan sa Bahaghari at Inang Kalikasan.

Matapos magbigay ng panata ng katapatan sa Alma Mater na pinamunuan ni Jerand John D. Magbanua, ramdam sa apat na sulok ng Arena ang taos pusong pasasalamat at pagmamahal ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng pag-awit ng Himno ng Pamantasang Normal ng Pilipinas. Sa pagbigkas ng huling liriko ng himno, nagdilim ang paligid, na nagbigay-daan sa isang makapangyarihang tagpo. Sa isang sulok, bumagsak ang Bulalakaw, sumisimbolo ng init at sandata upang lupigin ang kamangmangan. Ang liwanag na ito ay nanatili sa Inang Sulong Pamantasan, at sa gitna ng kadiliman, si Dr. Ralger D. Jocson Jr., ang Punong Tagapagpaganap, ay nagsindi ng kanyang sulo. Mula sa kanyang kamay, ang apoy ay ipinasa sa mga Direktor at Dekano, na siya namang nagbigay nito sa mga guro at pangulo ng bawat seksyon, hanggang sa umabot ito sa mga magsisipagtapos. Sa bawat pagsindi ng mga sulo at sabay-sabay na pagwagayway nito, sumilay ang pagkakaisa ng mga mag-aaral na nagbigay-pugay sa kilalang tradisyon ng paglagablab ng apoy ng karunungan.

Natapos ang unang bahagi ng seremonya sa isang masigabong palakpakan na nagpapahiwatig na ganap nang naipasa ang sulo sa susunod na magsisipagtapos. Ito ay sinundad ng isang Piging na pinagsaluhan ng mga mag-aaral habang idinadaos ang taunang Mr. and Ms. Torch. Sinubok ang mga bukod-tanging kalahok ng bawat taon sa pamamagitan ng mga katanungan tungkol sa kahalagahan ng seremonya. Sa huli, itinanghal na Mr. and Ms Torch si G. Alhambra Vidal at Bb. Rochelle Ramos, mga kinatawan ng ikatlong taon. Umani naman ng papuri ang tinaguriang Mr. and Ms. Face of the Night mula pa rin sa ikatlong taon na sina G. Rey Vincent Barrida at Bb. Mohnamhe Carbaquil. Itinanghal na Best in Filipiniana sina Bb. Rona Sardemio at G. Lloyd Pantanosas.

Sa pagtatapos ng seremonya, nagbigay ng taos-pusong mensahe si G. Ren Mark P. Seduripa, ang Gobernador ng ikatlong taon. Ibinuhos niya ang kanyang pasasalamat sa mga propesor, kaibigan, magulang, mga kaklase, at sa Poong Maykapal.

Tunay na naging makabuluhan ang Pagdiriwang ng Sulo ngayong taon, lalo na sa pagkilala sa mga bagong karakter na sumasalamin sa progresibong pananaw ng Pamantasang Normal. Ang mga bagong simbolong ito ay nagpapakita ng pangako ng pamantasan na unahin at iayon ang edukasyon sa mga pangangailangan at hamon ng makabagong panahon. Sa pagyakap sa inklusibidad at pagpapanatili ng kalikasan, ipinapakita ng pagdiriwang na ang pamantasan ay hindi lamang tagapangalaga ng tradisyon, kundi isa ring aktibong kalahok sa paghubog ng hinaharap.

Isinulat ni Jhenica Cañete
Photojournalists: Elsie Divinagracia at Mae Siacor
Layout Artist: Jaycel Lopez

Link to Original Post